Mga Sulating Tagalog
Sep 12th, 2008 by hames-1977
Heto naman ang mga sulatin/ tula ko sa Tagalog.
Hangin ng Oktubre
Dumampi na naman ang hangin
sa mga nakalungayngay na dahon.
Bahagyang nahahawi ang lilim
hatid ng malamlam mong liwanag.
Kaytagal. Ganyan kitang hinihintay.
Kailan ba titila ang mga pag-uulan?
Sa kasabikan ko, yayakap kang muli.
Sa akin ay sisiping at di magkukubli.
Tuwing Oktubre, ikaw’y dumarating,
saglit man at nakaw itong sandali.
Malungkot man na ating pagsasaluhan
damdaming nabuo sa paghihintayan.
Naririto na naman muli ang amihan.
Marahan man ang iyong pagbugso
Binubuhos man ng ulan kanyang init,
sumisingit man ang lamig, nagbabalik.
May kung anong nginig na ramdam
Sa pagdila ng impit mong pagsimoy
Lumagaslas man sa hamog, pagka-daka
sumandaling nilikha ng magdamag.
At ngayon nagwakas ang mga oras,
matagal-tagal na ring aking tinanggap.
Muli kang lilisan, at ako’y mag-iisa
Dadamahin ang hangin pagkabukas.
Oktubre 16, 2009
Ligaw
Sinusuyod nitong mga paa ang mga lansangan.
Animo’y may mapang binabagtas,
dinadama ang bawat pintig ng madidilim na eskinita.
Nagbabakasakali. Kung muli ay masalat,
mga tuyong damdamin.
Hinuhulaan nitong kalooban ang mga lunan
na maaari mong binaybay noon, mga alaalang
nakadikit sa samyo ng limot ko nang pag-ibig.
Mahirap ang maligaw katulad nito. Kasamang
tumutunghay itong mata, nagbabakasaling
sa ilang kaluluwa ay may madama
sa kung anong sa akin ay nawala.
Kaniig ko ang mga sasakyang
nagsasalinbayang katulad kong naglalakbay
na hindi alam ang patutunguhan. Nagbabakasakali ring
parahin ng ilang ligaw na kaluluwang, maaaring
nag-aabang upang kumanlong gaya ng damdaming
naghintay mapunuan ang mga puwang.
Ngunit sa buhay ko, sa ganitong dapithapon. Para na ring
hahakbang, bibilang ng mga huling sandali
na di tiyak ang patutunguhan nitong mga paa. Muli ay
dadamahin ang pintig ng mga madilim na eskinita. Sisiyasatin
kung mayroong kakanlungan ang tangan kong panimdim.
Oktubre 09, 2009
Patawad, Paalam
Kailangan ko itong sabihin.
Na kung ilang araw nang may gumagambala sa akin
sa kinukuyumos kong damdamin.
Mahirap ang mag-isa at mag-isip ng mag-isip
ng mga yugto-yugtong piraso
ng nakalipas. Nakakapagod
ang maglakbay ng maglakbay
pabalik sa nakaraan.
Sa kalaliman ng sugat na nilikha natin
sa ating dibdib. Kailangan na itong hilumin ng panahon.
Nais ko nang umusad mula rito
at iwanan ang pagdurusa.
Nais ko nang lumaya mula sa pagkakapiit
ng mga alaala, kalimutan na ng tuluyan
ang lambong ng dilim na bumalot sa akin.
Nais kong makita ang sinag ng araw
at makitang muli ang aking kaanyuan
sa liwanag ng bukas
na naghihintay na sa akin.
Patawad. Paalam.
Setyembre 26, 2009
Kamiseta
Ang kamisetang ito ay hiram,
sa ilang taon, na naiwan, pinaglumaan.
Kahit kupas na’y matatag pa rin.
Hiblang pinanday ng limahid at pawis
bumalot, yumakap sa aking kisig.
Damang-dama ko sa kamisetang ito
ang anino ng isang katauhan.
Katapanga’y magkahalong karuwagan.
Kasiyahang pumailanlang sa lamig,
sa uhaw ng walang hanggang paggiliw.
Ilang ulit ko na ba itong sinulsi,
sinikap bigkisin ang mga himulmol.
Duguan ko mang daliri’y di napagod
ingatan, alagaan ang taglay nitong habi.
Upang sa kandili nito’y manatili.
Ilang ulit ko na ba itong inalmirol,
pinakintab sa kula, sukdulan kong nilinis.
Mabibilang ko ba ang naupod na sabon?
Maaaring hindi. Ngunit ang sugat nitong palad,
alaala ng mga bulang sa buto’y sumagad.
Pawisang kamiseta ay aking hinubad,
itinapon sa sisidlan, upang doo’y maghintay
At para bang sundang sa puso ko’y tumarak,
hindi kayang mawaglit, kamisetang madumi.
Kaya’t aking binalikan at isinuot na muli.
Mayo 12, 2009
Hagdanan
Naaalala mo pa ba? Madalas,
magkalaro tayo dito sa baytang
nitong hagdanan.
Dito kita hinihintay,
araw-araw hanggang
ikaw’y darating na
mula sa eskuwelahan.
At masaya akong makikinig
sa mga kuwento mo-
ng mga daigdig na hindi ko makikita;
na gusto ko ring marating.
Gusto kong makilala
ang mga sinasabi mong
kaklase na mahilig
ding maglarong gaya natin.
Gusto ko rin ng tumbang preso.
Paano ba yun? Gagamitin ko ba
ang aking tsinelas? Gusto ko rin
ng patintero at kung kaya ko lang,
hindi ako magpapahuli.
Kakaripas ako ng takbo
nang napakabilis.
Pero ang totoo, mas mabilis ka-
tumakbo sa akin. Ilang milya
na nga ba at di ko na mabilang
ang layo ng iyong bahagdan?
Ilang taon kitang hinintay
dito sa hagdanan. Ang sabi ng inay,
nasa ibang lugar ka na. Doon-
sa malayo katulad ng daigdig
na kinukuwento mo noon.
Kung darating ka man, siguro
malakas ka na at kaya mo na ako.
Ikaw ang magsisilbi kong paa,
para makita ko rin ang daigdig
na narating mo na. At kahit
man lang minsan, makalisan din ako
sa baytang nitong lumang hagdanan.
Marso 20, 2009
Banyaga
Ginto ang kulay ko
napanday
sa sikat ng araw.
Lilim ko’y kanyang init,
banig ko’y kanyang lamig
Alaala ng tahanan
ay isang gunita lamang.
Sa bawat bigat
sinusuong, tinitiis.
Sa bawat luha
iniipong panahon
inaasam, aasa.
Nitong dibdib
na aalab,
muli’t muli
magbabalik.
lilimutin
lahat ng
pasakit.
Marso 7, 2009
Panaginip
Ngayon ay gabi, kaydilim ng silid.
Wala na ang liwanag ngunit diwa’y gising.
May tanikalang di mapatid, nakakapit
humihiling na lakbayin
pabalik sa yugtong di natapos
ng buong maghapon.
May digmaan,
mahigpit ang labanang
sumasakop sa sulok ng isipan.
Sa pikit na mata’y
nakinitang gunitang
liwanag sa dilim.
Humuhugis ng larawang
Bumubuhay ng alaalang
Matagal nang nakahimlay.
Kamatayan nga ay isang pagkabuhay.
Liliwanag ngunit may kamatayang
naghihintay at lalayo.
Dahan-dahan hanggang
maglalaho. Sa pagdatal
ng gabi ay muling mabubuhay.
Larawang huhugis
ng digmaang gigising
sa diwang muli
ay lalaban.
Enero16, 2009
Balon
Nagisnan mo’y bilog na mundo,
at tanging tanaw lamang
malamlam na wangis
ng buwan, sa dako pa roon.
Natalunton mong lalim
ng iyong kasibulan,
at itong nilumot
mong moog na tanggulan
Narinig mo ang ugong
paulit-ulit na alingawngaw.
Mga taghoy ng paglagaslas
Ng ulang pumapatak.
.
Nasinagan ka ng init,
kapiling ang tagtuyot
na ang lupang tigang
sa dilig mo’y uhaw.
Nanatili ka sa tatag
daang taon mula noon.
Lalim mo mang bukal
magpasa-ngayo’y patuloy .
Disyembre 18, 2008
Nakaraan
Pagbuksan mo ako ng iyong pintuan
kapag ako’y kumatok. Ipihit ng maingat,
dahan-dahang patuluyin
sa moog mong himlayan.
Tayong umupo sa tabi ng bintana,
habang tahimik na binabagtas
ng ating balintataw,
kalamigan ng takipsilim.
Hintayin mo ang pagsilang
ng buwan sa kanyang kalamlaman
Yayakap ako sa iyo
gaya ng panahong nagdaan.
At kapag ang habagat
Unti-unting magpapaalam,
Ibulong mo sa hangin
ang iyong paggiliw.
Pagbuksan mo ako ng iyong pintuan
upang ako’y sumilid. Sa sulok
ng pag-iisa, ika’y muling mabubuhay
kasiping ang gunita ng mga nakalipas.
Setyembre 12, 2008
Such a sweet piece, Marvin.
I started to love poetry in our language - “tula.” It is a shame that I seldom write in tagalog now, I feel like I can’t compose a decent tagalog piece. But in my heart I know I’m a Filipino. This maybe comes from the fact that tagalog is not really my first language - I’m an ilonggo.
I have a few pieces written in Pilipino, but I opted to keep them in my journals.
I like this piece for its quietude, words are tenderly put together like a whisper and it speaks to the heartm where poems are meant to come home.
I wish you well.
~ Jeques
jeques,
i had compiled two anthologies of Tagalog poetry before. but sadly, my computer crashed down. and the only hard copies I had are with a friend, who is in Manila and I have to find him when I get back home, come December.
writing in Tagalog is like digging deep from a soul with more passion and truer to the grit emotion.
i used to spend my many summers in the beaches of Antique, because it is my mother’s hometown province. I know Panay Island so well, because I use to travel from Kalibo to Culasi, from Culasi to San Jose de Buenavista. From San Jose de Buenavista to Iloilo City, from Iloilo City to Passi City, from Passi City to Roxas City. From Roxas City back to Kalibo.
so i know how it was to be a writer emerging from the Panay Island. Such as you are. Ilonggos are known to be great romanticist. In Antique and Aklan, I have met many of amateur poets of my generation, I am so amazed how their imageries were so rich and full. And simply, they have their unique way with words.
best of times,
marvin
Marvin,
Oh, I got the answer of the question I asked in the other post.
It is nice to know you are familiar with my place and our people. I’ve never been to Antique. That’s the part of Panay Island I haven’t visited.
One of these days I will post some of my poems in Pilipino.
I hope you could recover your poems. I always consider mine my treasure, I can’t imagine losing them - it would be like losing my heart.
I wish you well.
~ Jeques
Nahuli pala ako! Lampas na isang linggo bago ko napansin na may pahina ka palang ‘mga sulating Tagalog’.
“Pagbuksan mo ako ng iyong pintuan”
Matagal nang bukas para sa iyo ang tahanan ng mga sulating sariling atin!
Mabuhay!
Magandang tula…dagdagan mo pa sana ang iyong mga sulating Pinoy..tagalog ba kamo..hehehe
Mas maganda kung masasanay ang karamihan sa mga Pinoy…magsulat sa ating sariling wika, ika nga.. Upang “mabuksan ang pagsulong ng Pinas …”
Wapens!
Napasilip ako at muli ay namangha…may lalakeng tumutula..sa wikang hindi banyaga….nakakahalina…ako ay napapatunganga…di ko maiwan ang mga pahina…sapagkat ako katulad nya…itinakda ng tadhana…na umibig sa musika ng isang makata!
pebz!,
thanks sa poems na ipinorward mo… gud lack.. god bless jan sau ingat palagi @ mahirap malayo sa pamilya ntin….
email add yan ng anak ko, e2 yung sa kin malou050273@yahoo